Dinagsa ng libu-libong deboto ni Sr. Sto. Niño ang isinagawang opening salvo ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ngayon gabi, Oktobre 8.
Dito inanunsyo ni Kalibo Mayor Juris Bautista-Sucro ang pormal na pagsisimula ng selebrasyon ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-atihan Festival 2023.
Bago ito ay nagbigay muna ng kaniyang mensahe ang alkalde sa kaniyang unang 100 araw na panunungkulan.
Hindi naman alintana ng mga mamamayan ang makulimlim na panahon upang personal na tunghayan ang magarbong okasyon.
Ilan sa mga nasaksihan sa opening salvo ay ang fireworks display matapos ang opisyal na anunsyo ng alkalde kasabay ng pagbukas sa mga pailaw sa paligid ng Kalibo Pastrana Park.
May ilang celebrity guest rin na naimbitahan sa okasyon gayundin na may ilang banda na nagperform.
Samantala, mahigpit naman na ipinatupad sa festival zone ang pagbabawal ng pagdala ng backpack, bote ng alak at matatalim na bagay.
Gayundin na mula alas-12:00 kaninang tanghali sinarado na ang ilan sa mga kalsada papasok sa festival zone.
Mahigpit rin na seguridad ang ipanatupad ng Kalibo Municipal Police Station katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.