-- Advertisements --

Hinikayat ng Department of Finance (DOF) ang mga online sellers na irehistro ang kanilang negosyo sa Bureau of Internal Revenue (BIR), hindi lamang para sa pagtupad ng batas kundi para maka-avail sa mga benepisyo.

Ginawa ni Finance Assistant Sec. Tony Lambino ang pahayag sa gitna ng agam-agam sa hakbang na pagbubuwis sa mga online sellers na kumikita ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Asec. Lambino, gusto lang nila na masunod ang batas na dapat maipatupad sa lahat para maging patas at walang nakalalamang.

Ayon kay Asec. Lambino, ang pagpaparehistro ng negosyo, gaya ng online business ay hindi lamang pagiging mabuting mamamayan kundi may kaakibat din itong benepisyo.

Kabilang sa pakinabang ng mga registered online sellers ay pag-avail sa low-interest loans mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at maging kuwalipikado sa wage subsidy programs.

Iginiit din ni Asec. Lambino na ang pagbubuwis sa online selling ay hindi naman bago at malinaw naman sa batas na exempted sa pagbabayad ng buwis ang mga kumikita ng mas mababa sa P250,000 kada taon.