-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Humihingi ng tulong ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang patay sa tinutuluyang bahay sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Kinilala ang OFW na si Mary Jean Dolorosa Huesna, 47-anyos na residente ng Barangay Morales, Koronadal City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Junifer Huesna, kapatid ng OFW, kahapon lamang nila nalaman ang pagkamatay ng kanilang kapatid matapos na maipost ang larawan nito sa page ng Bombo Radyo Koronadal.

Ang kaibigan umano ni MJ ang nakausap nito at sinabing noong Hulyo 29 nitong taon lamang nagreklamo ng hirap sa paghinga ang OFW at Hulyo 30 nang matagpuang wala na itong buhay.

Ayon kay Junifer, kung maaga lang sana nadala sa pinakamalapit na ospital si MJ ay nailigtas pa ito.

Sa ngayon, hiling na lamang ng pamilya na mapabilis ang pag-uwi ng bangkay o abo man nito sa Pilipinas.