
Tinatarget ngayon ng National Telecommunications Commission na magpatupad ng ilang adjustments sa Sim Registration law sa susunod na linggo.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paglipana ng mga text scams at spam sa bansa sa kabila ng implementasyon ng SIM Registration Act sa Pilipinas na layunin sanang masawata ang ganitong uri ng mga panloloko.
Ayon kay NTC deputy commissioner Jon Paulo Salvahan, dahil dito ay maglalabas ng amended implementing rules and regulations hinggul sa nasabing batas.
Aniya, kaugnay nito ay nakatakda silang magsagawa ng technical working group meeting ngayong araw kasama ang National Privacy Commission, upang matiyak na ang lahat ng mga ipapatupad na adjustments sa implementing rules and regulations ay maaayon sa umiiral na batas sa Pilipinas.
Samantala, sa ngayon habang pinag-aaralan pa ng mga eksperto ang kanilang susunod na magiging hakbang ay sinabi naman ni Salvahan na paiigtingin pa muna ng NTC ang isinasagawang law enforcement efforts nito sa pamamagitan ng mahigpit na pakikipag-ugnayan sa PNP, NBI, at iba pang cybercrime investigating bodies, upang tukuyin ang mga salarin sa likod ng mga kumakalat na text spams at scams.
Kung maalala, kamakailan lang ay muling binalot ng kontrobersiya ang SIM Registration sa bansa nang isiwalat ng NBI na mayroong nakalusot sa registration nito kahit gamit ang larawan ng isang unggoy bagay na umani ng samu’t saring batikos mula sa iba’t ibang sektor at maging sa publiko.










