KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang mataas na lider ng NPA at halos 60 mga kasama nito matapos na sumuko sa mga sundalo sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Ayon kay Lieutenant Colonel Romel S. Valencia ng 7th Infantry (TAPAT) Battalion sumuko sa kanilang hanay si Nelson Dulunan alias Jerick, pinuno ng Platoon West, Sub Regional Command-Musa, Far South Mindanao Region ng NPA na nag-oorganisa sa mga kanayunan ng Palimbang, Kalamansig at Senator Ninoy Aquino ng Sultan Kudarat .
Kasama sa kanyang pagsuko ang isa nitong tauhan na si Arthur Dulunan Masot alias Boy at iba pa bitbit ang kanilang caliber 30 M1 Garand Rifle at 7.62mm M14 Rifle.
Sumuko ang mga ito dahil sa walang humpay na operasyon ng militar, kawalan ng makakain, at ang pagtaboy ng komunidad kasama ang kanyang grupo noong umiiwas sila sa pwersa ng gobyerno.
Iprenisenta naman ang mga ito sa Sultan Kudarat Provincial Task Force to End Local Armed Conflict kasabay ng Firearm Remuneration Program sa probinsiya.