KORONADAL CITY – Nagbabala si Surallah Mayor Antonio Bendita sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan na papaalisin pwesto kapag tumanggi o hindi magpapabakuna ang mga ito kontra COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bendita, sinabi nito na magpapatupad sila ng “No vaccine, no work” policy matapos napag-alaman sa pagpupulong sa IATF na karamihan umano sa mga hindi pa nabakunahan ay mga mismong public officials.
Kaya gumawa ito ng desisyon na kailangang magpabakuna ang mga empleyado hanggang Agosto 6, at kapag napatunayang tumangging magpabakuna ay maaaring makasuhan ng criminal negligence at matanggal pa sa pwesto kapag hindi justifiable ang dahilan.
Ang posibleng pagsasampa ng kaso ay resulta ng pangamba na posibleng makahawa pa ang mga hindi pa nakapagbakuna o tumangging magpabakuna.
Dagdag pa ni Bendita na bilang isang lider at role model ng kaniyang bayan, kailangan nitong maghigpit sa binitiwang desisyon.