Sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu nitong Linggo na nagkasundo sila ni U.S. President Donald Trump na anumang pinal na kasunduan sa Iran ay dapat tuluyang magwakas sa umano’y nuclear threat ng Islamic republic.
Ayon kay Netanyahu, nakausap niya si Trump noong Sabado ng gabi, na una nang inilarawan ng U.S. bilang napakagandang pag-uusap.
Nabatid na kabilang sa kanilang napagkasunduan ang pagbuwag sa uranium enrichment facilities ng Iran at ang pag-aalis ng enriched nuclear materials mula sa teritoryo nito.
Binigyang-diin din ng Israeli leader na nananatiling pareho ang kanilang posisyon ni Trump na hindi dapat magkaroon ng nuclear weapons ang Iran.
Napag-usapan din umano ng dalawang lider ang memorandum of understanding kaugnay ng muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, na isang mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng supply ng langis.
Sinabi rin ni Netanyahu na patuloy na matatag ang alyansa ng Israel at Estados Unidos, lalo na sa usapin ng seguridad at depensa laban sa mga banta sa rehiyon, kabilang na umano ang sitwasyon sa Lebanon.
















