Isinailalim na sa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) epektibo kaninang alas-5 ng hapon.
Ayon kay NCRPO spokesperson Major Hazel Asilo, hudyat ito ng masinsinang paglalatag ng seguridad sa buong capital region bilang paghahanda sa mga posibleng kilos protesta at iba pang kahalintulad na aktibidad, kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan.
Activated na rin ang command and control systems at emergency response assets para sa mas mabilis na deployment kung kinakailangan.
Nakadeploy ang mahigit 8,000 pulis sa buong Metro Manila para siguruhin ang mapayapang pagsasagawa ng mga pagtitipon.
Kabilang sa mga pangunahing babantayan ay ang mga kadalasang venue ng pagtitipon at mga protesta tulad ng Rizal Park, Bonifacio Monument, at Pinaglabanan Memorial Shrine.
Tiniyak din ni Major Asilo ang pagbabantay sa mahahalagang pasilidad na posibleng pagdarausan din ng mga serye ng kilos protesta tulad ng Senado.
















