-- Advertisements --

Tinutugis na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nasa likod ng pag-hack sa ilang government websites sa bansa.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, natukoy na nila ang mga taong posibleng sangkot sa insidente at kasalukuyan na silang inaalam para papanagutin sa batas.

Sinabi ng NBI na itutuloy nila ang imbestigasyon at pananagutin ang mga responsable dahil malinaw na may paglabag sa batas ang kanilang ginawa.

Nauna rito, isang grupo na tinatawag na Nullsec Philippines ang umako sa pag-hack at pagbabago ng ilang bahagi ng website ng gobyerno. May mga mensahe rin umano silang iniwan na babala at pagbatikos sa Senado.

Samantala, iniulat din na ang website ng House of Representatives ay nabiktima ng kaparehong cyber attack, kung saan may mga mensaheng tumutuligsa sa gobyerno hinggil sa isyu ng korapsyon at tiwala ng publiko.

Nilinaw naman ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang sensitibong impormasyon ang nakuhang data ng mga hacker.

Ayon sa CICC, ang naapektuhan lamang ay ang mga pampublikong website at hindi ang mismong internal systems ng mga ahensya ng gobyerno.

Ipinaliwanag din nila na ang mga website ay kailangang bukas sa publiko kaya mas nagiging target ito ng mga posibleng butas sa seguridad.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong lawak ng pag-atake at mapigilan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.