-- Advertisements --

Inilabas ng Malacañang ang isang Executive Order (EO) para buuin muli ang National Quincentennial Committee.

Sa ilalim ng EO 103 na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Enero 28, sinabing ito ay bilang paghahanda sa 2021 Quincentennial Commemorations kung saan kikilalanin ang ika-500 anibersaryo ng papel ng Pilipinas sa kauna-unahang maituturing na circumnavigation o pag-ikot sa mundo ng ilang mga banyaga, paggunita sa tagumpay ni Lapu-Lapu sa Battle of Mactan at iba pa.

Sa selebrasyong ito, nakatakdang ibida ang national at local tourism, isulong ang spirit of nationalism o diwa ng pagkamakabayan sa mga Pilipino, at kilalanin ang kabayanihan ng ating mga ninuno at iba.

Ang Executive Secretary ang siyang uupong chairperson at katulang niya ang pinuno ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) bilang vice chairperson.

Mga miyembro naman ang kalihim ng Department of Foreign Affairs, Department of Tourism, Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Department of Public Works and Highways, Department of Education, Department of National Defense, Presidential Communications Operations Office , National Commission for Culture and the Arts, at Presidential Adviser for the Visayas.

Ang komiteng ito ang siyang mangunguna sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa para sa selebrasyon na ito.