-- Advertisements --

Opisyal nang itinaas ng Vatican ang status ng National Shrine and Parish of Saint Padre Pio sa Batangas bilang isang international shrine, ayon sa anunsyo ng pamunuan ng simbahan.

Batay sa impormasyon ng parokya, naglabas ang Vatican’s Dicastery for Evangelization ng isang decree noong Mayo 25, 2026, kasabay ng paggunita sa ika-139 na kapanganakan ni Saint Padre Pio. Gayunpaman, isinapubliko lamang ng simbahan ang naturang pagkilala nitong Huwebes, Hunyo 4.

Sa pagkilalang ito, ang dambana ni Saint Padre Pio sa Batangas ang naging ikalawang international shrine sa Pilipinas. Nauna nang iginawad ang parehong titulo sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City.

Ayon sa mga opisyal ng simbahan, mahalagang tagumpay o “milestone” ang pagkakaloob ng international shrine status dahil inaasahang mas mapapalalim nito ang pilgrimage activities at higit pang mapapalakas ang debosyon ng mga Pilipino at mga debotong mula sa iba’t ibang bansa.

“May this historic milestone inspire us to deepen our faith and devotion as we journey together in prayer and thanksgiving,” pahayag ng simbahan.

Kasabay nito, sinimulan na rin ang paghahanda para sa pormal na deklarasyon ng dambana bilang international shrine na nakatakdang isagawa sa Setyembre 23, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni Saint Padre Pio.

Inaasahang mas marami pang mga peregrino at deboto ang dadagsa sa Batangas kasunod ng pagkilala ng Vatican sa dambana bilang isa sa mga pandaigdigang sentro ng pananampalataya at debosyon kay Saint Padre Pio.