-- Advertisements --

Aabot sa 30 kongresista mula sa iba’t ibang partido ang nagsama-sama sa paghahain ng resolusyon na nagpapatawag nang deferment sa pagtaas sa contribution ng mga PhilHealth members hanggang 2022.

Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, vice chairman ng House Committee on Health, ang proposal nilang ito ay nabuo kasunod ng diskusyon nilang mga kongresista kahapon, Enero 4, 2021.

Sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law, tataas ang premium contributions sa PhilHealth ng 0.5 percent kada taon, simula 2021 hanggang sa umabot ito sa 5 percent limit pagsapit ng 2025.

Para sa taong 2021, mula sa kasalukuyang 3 percent ng monthly basic salary ng mga miyembro ay tataas ito ng 3.5 percent.

Pero ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang contribution hike na ito sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Defensor na malaking tulong ang naging utos ni Pangulong Duterte, pero kailangan pa rin na mayroong maaprubahan batas para rito.

“Kasi kapag dinefer mo lang naman, dine-delay mo, but eventually you will have to pay for that,” ani Defensor.