Nagbabala si Vice President Sara Duterte sa publiko laban sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang siya sa isang messaging platform.
Sa isang advisory na inilabas sa kanyang social media account at Office of the Vice President, hinimok ng Pangalawang Pangulo ang publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang mensahe mula sa mga taong nagkukunwaring siya.
Kalakip ng babala ang screenshot ng isang usapan kung saan ang nagpapanggap ay humihingi ng listahan ng mga kongresistang sumusuporta umano sa Bise Presidente.
“Tandaan: huwag makipag-ugnayan, magbigay ng personal na impormasyon, at lalong-lalo na huwag magpadala ng pera. Ako ay hinding-hindi humihingi ng anumang pabor, pinansyal man o hindi, sa publiko,” pahayag ni VP Sara.
Dagdag pa niya, dapat maging mapagmatyag ang publiko laban sa mga mapanlinlang at mapagsamantalang indibidwal, lalo na sa gitna ng kasalukuyang krisis.
“Muli, pinapaalalahanan ko ang publiko na mag-ingat laban sa mga mapagsamantala at mapanlinlang, at nang-iisa sa kapwa, lalo na ngayong may kinakaharap tayong krisis,” saad pa ni Duterte.
















