LEGAZPI CITY — Pumasok na muli sa low-level unrest ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos itaas ng PHIVOLCS ang alerto nito sa Level 1.
Ayon kay Resident Volcanologist April Dominguiano, nagsimula ang serye ng pagyanig at senyales ng aktibidad noong Marso 15.
Karamihan sa naitalang lindol ay mahihinang volcano-tectonic earthquakes, katulad ng mga naobserbahan bago ang pagsabog noong 2022 at 2025.
Batay sa ground deformation data, may pamamaga sa kanluran at timog-kanlurang bahagi ng bulkan mula Enero hanggang ngayon.
Ipinapahiwatig ng mga parameter na may hydrothermal processes sa ilalim ng bulkan na maaaring magdulot ng phreatic o steam-driven eruption.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer Permanent Danger Zone at pinapayuhan ang pag-iingat sa 2-kilometer Extended Danger Zone.
Nagbabala ang PHIVOLCS sa mga komunidad sa timog na maghanda sa posibilidad ng ashfall.
Patuloy na mino-monitor ang bulkan upang agad na maipaalam ang anumang pagbabago sa aktibidad nito.
















