-- Advertisements --

CEBU – Kaagad na namatay ang isang motorcycle driver matapos nadamay sa naaksidenteng pribadong sasakyan kaninang umaga sa South Road Properties sa Cebu.

Kinilala ang biktima na si Marjun Paragoso, 26-anyos na residente ng Inayagan, Lungsod ng Naga sa Cebu.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Patrolman Ricky Abarquez, ang police investigator ng Talisay-Philippine National Police, sinabi nito na patungo sa Southern Cebu ang sasakyan na minamaneho ng isang Kurt Joseph Año, 26, nang hindi nakontrol ang manibela dahil sa diumano’y bilis ng takbo nito kaya tumaob at nagpagulong-gulong.

Ayon kay Pat Abarquez, nagkataon namang nasa kabilang lane ng kalsada patungong Cebu City ang biktima na nagmamaneho ng motorsiklo kaya ito nadamay sa aksidente.

Dahil sa malakas na impact, nagkapira-piraso ang motorsiklo at tumilapon si Paragoso na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.

Sa ngayon, basa ospital si Ano matapos na nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang kanyang haharapin.