Plano ng kampo ng mga biktima ng war on drugs na harangin ang mosyon para sa provisional release o pansamantalang pagpapalaya ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang statement, inihayag ni dating Bayan Muna Representative at isa sa abogado ng mga pamilya ng drug war victims na si Atty. Neri Colmenares na ang pagpapalaya sa dating pangulo ay maglalagay sa mga biktima sa lalong banta ng harassment at pag-atake at mas magpapadali aniya sa pagtakas nito mula sa hurisdiksiyon ng ICC.
Ayon sa mambabatas, maaaring igiit ng mga biktima at kanilang legal counsel ang kanilang karapatan para magsumite ng kanilang pagtutol sa aplikasyon ng dating Pangulo.
Giit pa ng human rights lawyer na ikakatuwiran ng mga abogado ng mga biktima na ang provisional release ay lalabag sa requirement ng Rome Statute para tiyaking haharap ang dating Pangulo sa trial at hindi niya pipigilan o ilalagay sa panganib ang imbestigasyon o mga paglilitis sa korte.
Aniya, may mga resources at network of support aniya ang dating Pangulo para tulungan siyang makatakas dahil nananatili pa rin sa kapangyarihan at maimpluwensiya ang kaniyang pamilya.
Binigyang diin din ni Colmenares ang aniya’y paulit-ulit na pag-atake ng dating Pangulo sa ICC, sa mga hukom at prosecutor na humahawak ng kaniyang kaso dahilan kayat wala umanong ebidensiya na maaaring maisumite ang defense counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na magpapatunay na handa ang dating Pangulo na sundin ang mga utos ng korte.
Una rito, pinaplano ng legal team ni dating Pang. Duterte na hilingin sa ICC ang kaniyang provisional release sa isang hindi tinukoy na bansa dahil sa kaniya na ring kalusugan, edad at mahina na rin aniya ang kaniyang impluwensiya dahil hindi na siya pangulo.