-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ni Senadora Imee Marcos sa pamamagitan ng senate resolution 667 ang misteryosong aktibidad ng isang U.S. air force boeing c-17 sa teritoryo at airspace ng Pilipinas noong Lunes.

Sinabi ni Marcos, na namumuno sa Senate Committee on Foreign Relations, na tatalakayin sa imbestigasyon ang posibleng paglabag ng U.S. Military sa visiting forces agreement (VFA).

Batay sa probisyon ng section 8 ng VFA, ang anumang sasakyang panghimpapawid ng U.S. Armed forces ay kinakailangang sumunod sa air traffic control regulations ng Pilipinas.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines, naipaalam ng U.S. Embassy sa Department of Foreign Affairs at nakakuha ito ng diplomatic clearance number na dsn-0659-kb-jun-us-2023 para sa isang U.S. military plane na sumusuporta sa mga aktibidad ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng kapit bisig.

Ngunit sinabi ni marcos na marami pang tanong tungkol sa tunay na misyon ng military plane, sinu-sino ang crew at kaisa-isang pasahero nito, ang uri ng kargamentong dala, pati na rin kung bakit 10 oras ang pag-istambay nito sa maynila.

Ang nalalapit na imbestigasyon ang pangalawang senate inquiry na ipinatawag ni marcos sa loob ng dalawang linggo para talakayin ang kawalan ng transparency o linaw sa mga aktibidad ng u.S. Military sa pilipinas.

Ang naunang pagdinig ay nagsapubliko ng plano ng u.S. Government na ilipat muna ang nasa 50,000 afghans sa pilipinas habang ang kanilang mga espesyal na visa application ay naiipit pa sa proseso.