(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyan nang binawian ng buhay ang vice gubernatorial candidate ng Misamis Occidental na si Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez na unang tinamaan ng sniper bullet habang nasa kasagsagan ng Christmas Party Fellowship ng Team Asenso political party sa Barangay 7, Tangub City.
Kinumpirma ito ng kaniyang anak na si Sangguniang Board Member Andrea Pinky Gutierrez matapos na maging kritikal sa tama ng bala mula sa M16 rifle.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office-10 (PRO-10) spokesperson Lt Col Michelle Olaivar na kung anuman ang sinabi ng anak na babae ni Gutierrez ay ginagalang nila ito at labis nilang ikinalungkot.
Sinabi ni Olaivar na nirerespeto rin nila ang pananahimik ng pamilya habang sila ay tuloy-tuloy ang pagtugis sa umano’y nasa dalawang snipers na babaril sana kay Deputy House Speaker Henry Oaminal subalit napunta kay Guiterrez at dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte noong Disyembre 22 ng gabi.
Una nang kinondena ni Oaminal at ng PRO-10 ang pangyayari habang binuo na rin ang Special Investigation Task Group Oaminal-Gutierrez-Almonte.
Magugunitang dati nang sinabi ni PNP spokesperson Col Roderick Alba na hindi lumalayo sa election related violence ang nangyari sa tatlong mga biktima.