-- Advertisements --

Natukoy na ng Pasay City Police ang mga suspek sa pagnanakaw ng mga kagamitan mula sa tent ng CongressTV sa loob ng Senate compound.

Naganap ang insidente sa tent na matatagpuan malapit sa Material Recovery Facility, kung saan tinangay ang isang flat-screen television, mga printer, mesa, kable, pocket Wi-Fi, at iba pang office supplies.

Ayon sa mga tauhan ng CongressTV, nadiskubre ang insidente bandang alas-5:04 ng umaga nitong Miyerkules at agad itong iniulat sa awtoridad.

Sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Alfred Corpus na agad silang humingi ng tulong sa Pasay City Police upang imbestigahan ang insidente.

Nagsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Police Security and Protection Group, Senate Protection Unit, at Office of the Senate Sergeant-at-Arms.

Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang pinutol ng mga suspek ang bahagi ng bakal na perimeter fence sa likurang bahagi ng Senate compound upang makapasok at makatakas.

Dahil dito, pinag-aaralan na ng Senado ang pagdaragdag ng mas maraming CCTV cameras, lalo na sa mga lugar na may blind spot, upang mapalakas ang seguridad sa loob ng compound.

Ang CongressTV ay pinangangasiwaan ng state-run People’s Television Network (PTV) at Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) katuwang ang House of Representatives.