-- Advertisements --

Kinumpirma ng Diocesan Shrine and Parish Of San Miguel Arcangel sa San Miguel, Bulacan na ninakaw ang mga sagradong gamit ng kanilang patron, na natuklasang nawawala umaga ngayong Sabado de Gloria, Abril 4.

Kabilang sa mga ninakaw na gamit ay pakpak, kalasag, sibat at espada na pawang mga gawa sa pilak.

Ayon sa parokya, ang mga gamit na ito ay simbolo ng debosyon ng bayan ng San Miguel at bahagi na ng kasaysayan at pananampalataya ng mga taga-San Miguel na hindi matutumbasan ng anumang halaga.

Kaugnay nito, umapela ang Kura Paroko at Bikaryo ng Parokya sa may hawak ng mga sagradong gamit na isauli ang mga ito sa Simbahan at igalang ang kabanalan ng mga ito.

Hinimok din ang publiko na ipagbigay-alam sa opisina ng parokya at San Miguel Police Station ang impormasyon para maibalik ang mga nawawalang mahahalagang gamit ng patron ng simbahan.