Nag-anunsiyo ang mga rail line company sa Metro Manila ng adjustment sa kanilang biyahe ngayong araw, Disyembre 24 at sa bisperas ng bagong taon, Disyembre 31.
Ayon sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Lines 1 (LRT-1) at LRT-2 na magiging mas maikli ang kanilang oras ng biyahe ngayon at sa Disyembre 31, Bisperas ng Bagong Taon.
Ang mga huling biyahe ng tren ng LRT-2 na karaniwang 9:30 p.m. ay magiging 8 p.m. papuntang Recto at 8:30 p.m. pupunta sa Antipolo ngayong araw habang sa Disyembre 31 naman ay alas-7 ng gabi papuntang Recto at 7:30 p.m. pagpunta sa Antipolo.
Ang MRT-3 ay magpapatupad din ng mas maikling iskedyul ng tren ngayong araw at sa Disyembre 31. Ang unang biyahe ay alas-4:37 ng umaga mula North Avenue station at 5:18 ng umaga mula sa istasyon ng Taft Avenue habang ang huling biyahe ay alas-7:48 ng gabi mula North Avenue station at 8:26 p.m. mula sa istasyon ng Taft Avenue.
Sa LRT-1, lalabas ang huling tren sa Baclaran station alas-8 ng gabi at sa Roosevelt dakong 8:15 p.m. ngayon araw. Sa Disyembre 31, ang huling tren ay aalis sa Baclaran station sa ganap na 7 p.m. at sa Roosevelt station bandang 7:15 p.m.
Ang mga normal na iskedyul ng biyahe ng mga tren para sa LRT-2 at LRT-1 ay magpapatuloy sa Disyembre 25 at Enero 1, 2023.
Ang MRT-3 ay nag-anunsyo din ng mga unang biyahe mula sa North Avenue at Taft Avenue stations ay pareho sa 6:30 a.m. at huling biyahe sa 9:30 p.m. mula North Avenue station at 10:09 p.m. mula sa istasyon ng Taft Avenue.
Samantala, inanunsyo ng Philippine National Railways ang mga sumusunod na timetable para sa mga biyahe ng tren ng PNR sa Disyembre 31: unang biyahe papuntang Alabang sa ganap na 5:36 ng umaga at huling biyahe sa alas-2:06 ng hapon, unang biyahe mula San Pedro hanggang Tutuban ng 4:50 ng umaga at unang biyahe mula Biñan hanggang Tutuban sa ganap na 5:25 a.m.
Naglabas din ang rail line ng mga iskedyul para sa mga biyahe ng tren sa Enero 1, 2023: unang biyahe mula Tutuban hanggang Alabang ng 10:06 a.m. at huling biyahe sa 9:16 p.m., unang biyahe mula Alabang hanggang Tutuban sa 11:32 a.m. at huling biyahe sa 8:02 p.m., at mga biyahe sa pagitan ng Tutuban at Biñan ng 7:16 p.m. at sa pagitan ng Tutuban at San Pedro alas-8:16 ng gabi.