-- Advertisements --

Umaasa ang ilang mga OFW sa Sri Lanka sa ipinangakong tulong ng gobyerno sa kanila sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa ekonomiya.

Ayon kay Dana Vergara, Bombo International News Correspondent mula sa Sri Lanka, sobrang hirap ng situwasyon ngayon doon dahil nagmahal na ang mga bilihin.

Triple aniya ang itinaas ng presyo ng mga pagkain doon kasunod ng pagtaas sa presyo ng langis.

Dahil sa krisis ay nawalan din ng trabaho ang kanyang asawa at umaasa na lamang silang mag anak sa tulong na binibigay sa kanila ng mismong pamilya ng kanyang asawa.

Dagdag pa ni Vergara, sa kabila aniya ng pagkakatalaga ng kanilang presidente, ay hindi pa rin nababago ang situwasyon sa Sri Lanka.

Sinabi ni Vergara na galit pa rin aniya ang mga mamamayan doon at nag aaaway away sa kabila ng pagkakatalaga ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe na tumatayong acting president matapos magbitiw si dating Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa.

Ayaw umano ng mga mamamayan doon kay Wickremesinghe dahil kamag anak din mismo ng kanilang dating presidente at isa rin daw corrupt.

Matatandaan na nangako ang pamahalaan na handang magbigay ng assistance para sa mga Pilipino na nakabase sa Sri Lanka sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa ekonomiya.

Pinaplano na rin ng pamahlaan ang posibilidad na paglulunsad ng repatriation flight para sa mga Pilipinong nais umuwi ng Pilipinas.