-- Advertisements --

Iginiit ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert Teodoro na tungkulin ng mga mayayamang bansa na protektahan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naiipit sa giyera.

Sa kaniyang mensahe sa harapan ng world leaders sa nagpapatuloy na Paris Defense Strategic Forum, binigyang-diin ng Philippine defense chief ang papel ng mga makakapangyarihang bansa na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mangagawang Pilipino na naiipit sa mga giyera.

Tanong ng kalihim, ano ang mangyayari kung napilitan ang lahat ng OFW na bumalik sa Pilipinas dahil sa mga nangyayaring giyera?

Tiyak aniyang magkakaroon ng disruption o pagkaantala ng serbisyo sa iba’t-ibang sektor kung saan ang pangunahing nakadeploy ay mga Filipino overseas workers.

Kinabibilangan ito ng international shipping, healthcare – lalo na sa mga hospital, agriculture, atbpa.

Tinukoy ng kalihim ang maraming Pilipino na nagtatrabaho sa mga mahahalagang sektor kung saan isa sa tatlong healthcare professionals sa US at Europe ay Pilipino; habang sa shipping, isa sa tatlong tripulante na nagsisilbi sa mga barko sa iba’t-ibang trade route ay Pilipino.

Paalala ni Teodoro, malaki ang ambag ng mga Pilipinong mangagagawa sa international order, kaya’t mahalaga aniya ang proteksyon na ibibigay ng mga makakapangyarihang bansa para mapanatili ang kanilang tuloy-tuloy na serbisyo sa iba’t-ibang sektor.