-- Advertisements --

Ibinunyag ng Police Regional Office-7 na isinailalim sa ‘re-training’ ang mga na-relieve na sakop ng pulisya mula sa Bayawan at Sta. Catalina kasunod ng nangyaring Pamplona massacre sa Negros Oriental.

Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare, na dinala ang mga ito sa kampo ng Regional Mobile Force Battalion-7 para i-upgrade ang kanilang training.

Matapos pa umanong makumpleto ang background investigation ay ibabalik na ang mga ito sa pagdeploy pero hindi naman umano kinakailangang sa Negros at sinabing baka sa mga lungsod ng Mandaue, Cebu at Lapu-lapu.

Idinagdag pa ni Pelare na hindi naman umano nila ma-conclude na lahat ng mga ito’y may problema dahil ang nangyari pa umano matapos ang Pamplona massacre ay nagkaroon lang ng administrative reshuffle dahil may mga tinutugis pa silang mga natitirang suspect.

Samantala, binigyang-diin naman nito na sineseryoso at hindi nila kukunsintihin ang kanilang mga tauhan na sangkot sa mga maling gawain at nakahanda pa silang magpapataw ng disciplinary measure at dismissal kung kinakailangan.