-- Advertisements --

CUAYAN CITY- Nababahala ang mga mamamayan sa patuloy na labanan ng puwersa ng Russia sa Ukraine.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Girlie Gonito, human rights lawyer sa London at founder ng OFW-UK International Friendship Association na pinaghahanda ang lahat ng mga miyembro ng NATO dahil ayaw ni Pangulong Vladimir Putin na iurong ang tropa sa Ukraine at nagbanta pa na gagamit na ng mga supersonic missiles.

Noong nakaraang linggo aniya ay binuksan ng United Kingdom ang mga border nito para makapasok ang mga Ukrainian refugees.

Hiniling ni Prime Minister Boris Johnson sa mga pamilya sa United Kingdom na maging bukas sa pag-ampon ng Ukrainian family.

Umabot na sa 140,000 homeowners ang lumagda ng kasunduan para mag-ampon ng Ukrainian family.

Ang bawat pamilya na mag-aampon ng mga refugees ay makakatanggap ng suporta mula sa UK government ng mula 400 hanggang 600 pounds.

Naababahala naman ang mga British nationals sa pagluluwag ng UK ng pagbibigay ng visa sa mga refugees dahil posibleng samantalahin ito ng mga terorista.

Ayon kay Atty. Gonito, galit din si Putin sa Poland dahil umabot na sa 4.5 million na Ukrainian ang tinanggap.

Ang Red Cross sa United Kingdom ay patuloy na nangangalap ng mga donasyon para sa mga mamamayan sa Ukraine.