-- Advertisements --

Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hindi nila bibigyan ng certification at hindi makakaupo sa puwesto ang mga kandidatong hindi nakasunod sa alituntunin, kaugnay sa pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Ipinaliwanag ni Comelec Finance Office Director Efraim Bag-id na batay sa election law ay obligado ang lahat ng kandidato nanalo man o natalo na maghain ng SOCE na hindi lalagpas sa 30 araw, matapos ang halalan.

Papatawan aniya ng multang P30,000 ang mga natalong kandidato sa pagka-senador na first time ngayong hindi nakapaghain ng SOCE, habang P60,000 naman ang multa at habambuhay na disqualification ang parusa sa mga ikalawang beses ng hindi naghain ngayon ng SOCE.

Gayunman, nilinaw ni Bag-id na ang mga nanalo noong halalan na hindi umabot sa deadline kagabi ay mabibigyan pa ng anim na buwang palugit mula noong sila ay naiproklama para makapagsumite ng SOCE.

Sakali namang hindi pa rin makahabol sa dagdag na anim na buwang extension ay maaari raw na tuluyan na silang hindi makaupo sa puwesto at maideklarang bakante ang kanyang posisyon.