-- Advertisements --
image 37

Walang matatanggap na overtime pay ang mga gurong nagsilbi sa kasagsagan ng Barangay at SK elections ayon sa Commission on Elections.

Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, tanging ang mga empleyado ng komisyon ang entitled na makakuha ng kompensasyon para sa kanilang overtime na pagsisilbi sa lokal na halalan.

Aniya, kahit na nais nilang mabigyan ng OT pay ang kaguruan, mayroong joint circular na nagsasaad na tanging ang mga empleyado ng poll body ang entiled na makapag-claim ng overtime pay.

Paliwanag pa ng Comelec chairman na ang mga gurong nagsilbing electoral board members ay hindi empleyado ng Comelec. Maliban dito, hindi din nakasama sa pondo ng ahensiya para sa pamimigay ng naturang item.

Una na ngang umapela ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) para sa overtime compensation ng mga guro na naapektuhan ng pagkaantala sa proseso ng lokal na halalan.

Ayon kay ACT Chairperson Vladimer Quetua, mahigit 24 oras na nagtrabaho ang mga kaguruan sa BSKE dahil sa pagkaantala sa pagbibigay ng transportasyon, tambak na paperwork at mahabang pila ng mga botante.

Kung saan nasa 10 magkakahiwalan na lugar na nakaranas ng pagkaantala ang mga gurong nagsilbi bilang poll workers.

Sa kabila nito, nangako naman ang kagawaran ng edukasyon sa mga guro na nagsilbing Board of Election Inspectors para sa halalan na mabibigyan sila ng medical at insurance assistance na kanilang kailangan.

Top