-- Advertisements --

Napagkasunduan daw ng mga alkalde sa Metro Manila na magpataw ng mas mabigat na penalty sa mga lalabag sa mas mahigpit na pagpapatupad ng health protocols laban sa COVID-19.

Sa isang panayam sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia na kasali sa napagusapan sa meeting ang pagpapataw ng mas mataas na penalties.

Kabilang daw sa mga mahigpit na babantayan sa National Capital Region ang mga hindi nagsusuot ng face mask at hindi sumusunod sa physical distancing.

Samantala, inamin din ni Garcia na nasa siyam na ang bilang ng mga empleyado sa kanilang tanggapan ang tinamaan ng coronavirus disease.

Nauna nang sinuspinde ni MMDA chairman Danilo Lim ang pasok ng mga empleyado sa ahensya para sa disinfection ng kanilang pasilidad at opisina.

Ayon kay Garcia, sa ngayon ay limitado muna ang bilang ng kanilang mga personnel na nagta-trabaho dahil sa biglang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa kanilang ahensya.