CAGAYAN DE ORO CITY – Tinatrato na ng pulisya na ‘case solved’ ang pagkabaril-patay ng isang radio broadcaster na nilusob ng tatlong kalalakihan habang naka-Facebook live program sa loob ng kanyang bahay sa bayan ng Calamba,Misamis Occidental.
Ito’y kahit hindi pa naaresto ang ‘trigger man’ o mismong bumaril na akusado sa biktima na si Juan Jumalon alyas DJ Johnny Walker subalit naka-kustodiya na ang dalawa na kasabwat ng kremin kasunod sa warrant of arrest implementation sa bayan ng Sapangdalaga ng lalawigan noong nakaraang linggo.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Police Regional Office 10 spokesperson P/Major Joann Galvez – Navarro na bagamat lutas na batay sa kanilang batayan ang nabanggit na media killing subalit huhubaran pa nila ng maskara kung sino ang nasa likod pag-hire ng tatlong salarin pumaslang sa biktima.
Kumbinsido ang pulisya na mayroong malaking personalidad o utak ng Jumalon killing kaya tuloy pa ang pagsisikap ng binuong task force para bigayang hustisya ang namatayang pamilya.
Magugunitang hindi itinuring ng pulisya na mayroong kaugnayan ng trabaho ang sinapit ng biktima dahil hindi ito ‘hardcore radio commentator’ bagkus ay patungkol sa bangayan ng lupa kung saan nakatirik ang kanilang bahay na makikita rin ang pinatakbo nito na FM station.