Nanawagan ang Department of Tourism (DOT) na babaan ang price cap sa mga COVID-19 tests para mas maraming biyahero ang mahikayat na itloy ang kanilang travel plans.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, masyadong mahal para sa mga budget-conscious na biyahero ang kasalukuyang presyo ng RT-PCR test na nagkakahalaga ng hanggang P5,000.
Masyado aniyang mabigat ang presyong ito lalo na sa malalaking pamilya na babiyahe nang magkakasama.
Naniniwala si Romulo-Puyat na sakaling mabawasan ang presyo ng RT-PCR test ay sisigla ulit ang economic activities at mabubuhay ang tourism industry.
Hindi lamang din aniya makakatulong sa mga biyahero ang hakbang na ito kundi maging sa mga local government units dahil lalong matitiyak na masusunod ang kanilang test requirements.
Samantala, nanawagan din ang kalihim na mabigyan ng certification ang marami pang mga pasilidad sa pagsasagawa naman ng saliva-based RT-PCR test.
Sa ngayon, tanging ang Philippine Red Cross lamang ang certified ng Research Institute of Tropical Medicine na magsagawa ng naturang test.









