Inaprubahan na ng House Ways and Means Committee ang tax provisions ng panukalang batas na naglalayong itaas ang diskuwentong ibinibigay sa mga senior citizens para sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente at tubig.
Sa pagdinig ng komite ngayong umaga, inaprubahan ng komite ang House Bills 1903 at 3040, na naglalayong amiyendahan ang Republic Act No. 7432, o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Nakasaad sa tax provision ng naturang mga panukala na bibigyan ng hindi bababa sa 10 percent ang mga senior citizens para sa kanilang buwanang bayarin sa nakunsumong kuryente at tubig.
Pero para ma-avail ito, kailangan na ang naturang mga utilities ay nakarehistro sa pangalan ng senior citizen.
Kasama rin ang kondisyon na hindi dapat lalagpas sa 150 kwh ang nakonsumong kuryente at 30 cubic meters naman ng tubig.
Ang pribilehiyo na ito ay para sa kada “household” kahit ilan pa ang senior citizen, at kung ang rehistradong nakatatanda ay patuloy na nakatira sa naturang tahanan o address.
Samantala, nabahala naman ang Department of Finance (DOF) sa panukalang batas na ito dahil sa posibilidad na ito ay abusuhin ng iilang katao.










