Isinusulong ngayon ang mas mahigpit na passenger verification at SOS button sa motorcycle taxi applications para matiyak ang kaligtasan ng mga rider.
Ito ay kasunod ng mga naitalang krimen kamakailan na ikinasawi o ikinasugat ng ilang riders.
Bunsod nito, nakipagpulong si 1-Rider Party list Representative Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez sa mga kinatawan ng MC taxi hailing apps sa House of Representatives para talakayin ang mga hakbang para mapigilan ang kaparehong insidente.
Kabilang aniya sa kanilang irerekomenda sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay ang pagsama sa MC Tax Bill ng passenger verification na dapat ay mandatoryo, hindi lamang pangalan at mobile number kundi mayroon din dapat government ID.
Ayon naman kay Angkas Head of Public Affairs Carlo Castro, pinag-aaralan nila na magkaroon ng verification para sa mga pasahero upang ma-trace rin ang mga ito gaya ng mga rider at malaman kung may criminal tendencies.
Isa sa mga ikinokonsidera nila ay ang pag-verify sa mga pasahero sa booking pa lamang kung saan maaaring manual na iberipika ng rider ang litratong lumabas sa app sa isasakay na pasahero gayundin tinitignan ang pagkakaroon ng centralized database upang ma-timbrehan ang ibang ride-hailing platforms kaugnay ng erring passenger.
Plano aniyang gawin itong standard sa lahat ng platforms para iisa lamang ang susundin.
Isa pa sa kanilang tinitignan ay ang pagkakaroon ng safety features gaya ng 24/7 hotlines o SOS button sa app na konektado sa medical o police force para agad na maireport ng mga rider ang sakuna o masasamang loob.
Samantala, bagamat wala namang trend ng pagtaas sa krimen laban sa mga rider, mayroon aniyang naitatalang dalawa hanggang tatlong insidente kaya dapat na agapan ito bago pa man lumala.
Nakatakda namang makipagkita ang mambabatas sa LTFRB sa sunod na linggo upang irekomenda ang pagpapatupad ng napag-usapang mga hakbang.













