Nanawagan si Parañaque City 2nd district Rep. Brian Yamsuan sa Kamara na pabilisin ang pagpasa ng panukalang batas na magbibigay ng mas abot-kaya at komprehensibong early detection at intervention services para sa mga batang may autism at iba pang special needs.
Sa ilalim ng House Bill No. 6309, layunin ng panukala na palawakin ang access sa screening, therapy, at medical support para sa mga batang may developmental conditions gaya ng autism, ADHD, Down Syndrome, cerebral palsy, at learning disabilities. Kasama rin sa panukala ang paglikha ng scholarship programs para sa mga estudyanteng kukuha ng kursong may kaugnayan sa espesyal na edukasyon at therapy services.
Ayon kay Yamsuan, nananatiling mabigat sa maraming pamilya ang gastusin sa therapy at intervention services, na umaabot umano sa P4,000 hanggang P5,000 kada buwan at kadalasang walang sapat na suporta mula sa PhilHealth. Giit niya, mahalaga ang maagang screening at intervention upang mapabuti ang communication, social skills, at pangmatagalang development ng mga batang may special needs.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag ng intervention facilities sa mga pampublikong ospital, pagpapalakas ng Special Education (SPED) centers sa mga pampublikong paaralan, at pagbuo ng national program para sa early detection at suporta sa mga batang may developmental concerns. (report by Bombo Jai)
















