-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Sen. Bong Go ang mga malisyoso at walang basehang ulat kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte partikular ang umano’y pagbiyahe nito sa Singapore noong weekend dahil sa medical emergency.

Sinabi ni Sen. Go, dapat itigil na ang pagpapakalat ng ganitong kasinungalingan o fake news.

Ayon kay Sen. Go, si Pangulong Duterte ay nagtatrabaho lang at nasa Davao abala sa responsibilidad lalo sa pag-monitor sa sitwasyon ng COVID-19 pandmeic.

“Bagama’t kailangan niya rin pong umuwi ng Davao upang tingnan na rin po ang sitwasyon sa Mindanao ay makikita ninyo po na kagabi ay napaka-healthy naman po ni Pangulo. Bagama’t 75 years old na po ‘yon ay talagang kayod kalabaw pa rin ‘yan para makapagserbisyo sa kapwa Pilipino,” ani Sen. Go.

Kasabay nito, binalaan ni Sen. Go ang mga nagpapakalat ng fake news na mayroon silang kalalagyan sa batas.

“Alam ninyo po sa mga gumagawa ng fake news, dapat managot talaga kayo. Okay lang po ‘yung i-criticize ninyo po ang Pangulo. Okay lang po i–criticize ninyo kami kung mayroon kaming trabaho na dapat ayusin, at kung makakatulong naman po ‘yung pag-criticize ninyo. Very much welcome po ‘yon sa amin bilang public officials… karapatan ninyo pong i-criticize kami para i-improve pa po ang aming serbisyo para sa inyo.”