-- Advertisements --

Isinailalim sa suspensyon ang face-to-face na mga klase sa buong lalawigan ng Istanbul, Turkey ngayong Huwebes matapos magdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng mga kalsada ang matinding buhos ng ulan.

Bumagsak ang ilang kalsada sa mga distrito ng Eyupsultan at Gaziosmanpasa habang umabot naman sa halos 90 porsyento ang congestion o pagpapasikip sa daloy ng trapiko sa buong lungsod.

Pinasok din ng tubig-baha ang ilang pangunahing ospital, istasyon ng metro, at nagbunga ng pagguho ng retaining wall sa isang pampublikong paaralan.

Mahigit 8,300 personnel at higit 2,200 sasakyan at kagamitan ang idineploy ng pamahalaang lungsod upang umalalay sa mga nakaranas ng pagbaha at mga bara.

Nagpalabas ng babala si Governor Davut Gul sa mga mamamayan na manatili sa loob ng bahay at iwasan ang mga mabababang lugar dahil sa banta ng patuloy na pag-ulan.

Inaasahan namang magpapatuloy ang mga pag-ulan at malamig na panahon sa buong rehiyon hanggang sa darating na katapusan ng linggo.