-- Advertisements --

Umaabot na sa mahigit P355 billion ang nagagastos ng pamahalaan para tugunan ang problema sa COVID-19.

Sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado, inaasahang tataas pa ang gagastusin ng gobyerno dahil nagpapatuloy pa ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Sec. Avisado, P247,214,000,000 ay galing sa pooled savings o mga inipon at ni-realign batay na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga kagawaran at departamento para magamit sa COVID-19 response.

Inihayag ni Sec. Avisado na ginagamit na rin ngayon ng pamahalaan ang bahagi ng mga utang mula sa World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB).

Nasa P6 billion umano ang inutang ng Pilipinas mula sa mga nasabing financial institutions.

Sa ilalim ng “Bayanihan to Heal As One Act,” pinapayagan si Pangulong Duterye na mag-reprogram, reallocate at realign sa 2020 national budget para sa COVID-19.

“Ang P96, 717, 000, 000 naman, ay iyon iyong sa un-programmed appropriation, ito po iyong binigay o sinertify ng Department of Finance na ginamit natin, principally, doon sa P51 billion na subsidy para sa mga nawalan ng trabaho ng micro, small and medium enterprises at iyong 45.7 billion na ni-release natin sa Department of Health para matugunan lahat ang pangangailangan dito sa COVID-19,” ani Sec. Avisado.