Nakapagtala na ng pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa bansa ngayong Miyerkules Santo, Abril 1.
Ito ay sa gitna ng pagsisimulang pagbiyahe ng marami pauwi sa kani-kanilang probinsiya para gunitain ang Semana Santa.
Sa monitoring ng Philippine Coast Guard (PCG) hanggang umaga nitong Miyerkules, nakapagtala ang ahensiya ng 22,135 outbound passengers at 22,503 inbound travelers, na nasa kabuuang mahigit 44,000 indibidwal na nagtungo sa mga pantalan sa bansa.
Kahapon, Martes Santo, nakapagtala ang mga awtoridad ng 186,952 outbound passengers at 152,492 inbound travelers, o sa kabuuan, nasa halos 340,000 pasahero.
Base sa pagtaya ng Philippine Ports Authority (PPA), inaasahang papalo sa 2.46 milyon ang mga pasaherong daragsa sa mga pantalan mula Marso 29 hanggang Abril 15.
Ito ay mas mataas kumpara sa 2.41 milyong pasahero na naitala noong nakalipas na taon.
Kadalasan, naitatala ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero kapag Miyerkules Santo, kasabay ng pagsisimulang pagbiyahe ng marami bago ang mahal na araw o Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Patuloy naman na naka-heightened alert ang districts, stations at sub-stations ng PCG hanggang sa Easter Sunday o Abril 5 para mapangasiwaan ang dagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
















