Aabot sa 240,000 katao sa Kuancheng County sa Hebei Province, China ang apektado ng Typhoon Bavi matapos itong mag-landfall sa bansa.
Kung saan matinding pagbaha ang tumama sa ilang lalawigan sa hilaga at hilagang-silangan ng China, at ilang kalsada rin ang lubog pa sa tubig dahil sa malalakas na pag-ulan na naranasan doon.
Sa mga kumalat na video sa social media, makikita ang ilang sasakyan na nagsalpukan habang inaanod ng malakas na agos sa mga binahang lansangan.
May mga residente rin na gumamit na ng paddleboard at lumangoy sa mga kalsadang naging parang ilog dahil sa taas ng tubig.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 1,800 residente ng Kuancheng ang na-stranded, habang ang paglilipat at pagbibigay ng pansamantalang tirahan sa mga apektadong pamilya ang pangunahing prayoridad ng pamahalaan.
Samantala, itinaas na sa red alert ang Liaoning Province dahil sa mataas na panganib ng biglaang pagbaha. Suspendido narin ang trabaho, negosyo, at pagbabawal sa pagtitipon sa mga lugar na nasa ilalim ng heavy rain alert.
Nabatid na ito na ang pinakamalakas na bagyo na tumama sa mainland China ngayong taon.
Nagbabala naman ang mga awtoridad na maaaring magdulot pa ng matinding pag-ulan ang bagyo sa Jilin, Liaoning, Hebei, Shandong, Jiangsu, at Anhui, na maaaring magpalala sa pagbaha sa mga lugar na dati nang nababad sa ulan.
Dahil sa masamang panahon, sinuspinde rin ang ilang biyahe ng tren sa Shenyang, na nakaapekto sa mahigit 30 railway sections. Isinara rin ang mga paaralan sa ilang lugar kabilang ang Jilin Province.
Ayon sa China Meteorological Administration, inaasahan pa ang thunderstorms, hailstorms, at malalakas na hangin sa ilang bahagi ng hilaga at gitnang China. May ilang lugar na posibleng makaranas ng hangin na aabot sa Force 11, o humigit-kumulang 117 kilometro kada oras.












