-- Advertisements --
image 381

Mahigit 100 Chinese vessels ang namataan sa maritime patrols ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) mula Abril 18 hanggang 24, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa isang pahayag, sinabi ni Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela na ang mga sasakyang ito ay mga Chinese Maritime Militia vessels, isang People’s Liberation Army Navy corvette, at dalawang China Coast Guard vessels.

Aniya, nagsumite na ang PCG ng ulat sa National Task Force West Philippine Sea (NTFWPS), na nagpapakita ng pagkakaroon ng barkong pandigma ng China na kung saan patuloy ang paglitaw ng mga sinasabing Chinese Maritime Militia vessels sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Tarriela, malapit sa Sabina Shoal, 18 Chinese Maritime Militia vessels ang nakita ng PCG.

Ang mga sasakyang pandagat ng China ay hindi tumugon o sumunod sa utos ng PCG na umalis sa lugar pagkatapos ng maraming radio challenge.

Sa paligid ng territorial sea ng Pag-asa Island, sinabi nito na apat pang Chinese Maritime Militia vessels, na tila nakikibahagi sa mga aktibidad sa pangingisda, ang itinaboy ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.