-- Advertisements --
Screenshot 2020 07 25 10 23 06

BACOLOD CITY – Patay ang magkapatid na babae makaraang binaril ng suspek na nagtangka ring magpakamatay sa Barangay Taculing, Bacolod City kahapon ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Imee Mahilum at Aimee Jane Decara na parehong mga residente ng Purok Kabugwason, Barangay Mansilingan habang ang suspek naman ay kinilalang si Alvin Lanza ng Barangay Alangilan, Bacolod City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Capt. Elmer Bonilla, hepe ng Bacolod City Police Station 6, nagtalo ang magkasintahan na sina Mahilum at Lanza na humantong sa pamamaril bandang alas-5:30 ng hapon sa Lot 3, Block 14, Gonzaga Extension, Doña Juliana Subd., Barangay Taculing.

Batay sa imbestigasyon, unang binaril ng suspek ang driver ng sasakyan na si Decara at agad naman nitong binaril si Mahilum nang bumaba ng sasakyan.

Nagtangka namang magpakamatay si Lanza sa pamamagitan ng pagsaksak nito sa kanyang katawan gamit ang kutsilyo.

Dead on the spot ang magkapatid habang patuloy naman na ginagamot sa ospital ang suspek.

Tinitingnang anggulo sa pamamaril ay ang problema sa relasyon ng magkasintahan.

Nakuha sa crime scene ang isang caliber .45 pistol, dalawang empty shells at isang magazine na walang laman.