Naniniwala si Atty. Domingo Cayosa, dating president ng Integrated Bar of the Philippines, na posibleng maging state witness si Ramil Madriaga, dating aide at umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte, sa impeachment case na dinidinig sa Kamara.
Ipinaliwanag ni Cayosa na sa ilalim ng batas, maaaring maging state witness ang isang indibidwal kung hindi siya pangunahing gumawa ng inaakusang kaso.
Aniya, si Madriaga ay taga-withdraw at taga-deliver lamang ng confidential funds, ayon sa sinumpaang salaysay, kaya’t maaari siyang maikonsidera bilang state witness kung may isasampang kasong graft.
Sa impeachment complaint, kabilang sa mga alegasyon ang illegal na paggamit ng daan-daang milyong pondo.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 14, sinabi ni Madriaga na personal siyang nag-deliver ng P125 milyon sa tatlong lokasyon sa loob ng 24 oras, alinsunod sa utos ni Duterte.
Gayunman, itinanggi ng kampo ni Duterte ang alegasyon. Ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., walang dokumentaryong ebidensya si Madriaga at pawang cash-based lamang ang mga sinasabing transaksyon.















