-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ng Land Transportation Office (LTO) ang posibilidad na maibaba ang administrative fees at iba pang bayarin para sa mga naka-impound na sasakyan na isasalang sa pampublikong subasta.

Layon nito na maibaba rin ang halaga ng naka-impound na mga motorsiklo at sasakyan na ipinasusubasta.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, pinag-aaralan na ng ahensya ang mga probisyon ng Department Order No. 93-693 series of 1992 o ang “Revised Schedule of Administrative Fees and Charges of the Land Transportation Office,” partikular na ang tungkol sa impounding fee at iba pang bayarin.

Sa ilalim ng Item No. 19 o “Other Fees and Charges” ng nasabing Department Order, ang impounding fee ay nasa P100, habang ang storage fee ay P15 bawat araw.

Alinsunod din sa LTO Memorandum Circular No. 2022-2332, ang Committee on Disposal of Unclaimed Impounded Motor Vehicles ang magsasagawa ng physical inventory ng mga naka-impound na sasakyan na isinumite ng Law Enforcement Service o Regional Operations Division.

Kailangang maglabas ng listahan ng hindi nabayarang paglabag ang Traffic Adjudication Service (TAS) o ang adjudication office sa mga rehiyon na magiging basehan ng floor price sa subasta.

Ang hakbang ng LTO ay sa gitna na rin ng reklamo ng mga nagtungo sa auction ng ilang tanggapan ng ahensya dahil sa sinasabing kasing mahal ng bagong motorsiklo ang mga ipinasusubasta ruon kahit hindi na umaandar.

“We will study the possibility of coming up with a fair assessment of a vehicle and its overall condition and in consideration of other factors such as storage. By doing so, we hope to come up with a fair and reasonable market value that will serve as the floor price of an auctioned vehicle to make it more appealing to bidders,” pahayag ni Guadiz.

Sa layong matiyak na magiging patas at makatwiran ang halaga ng ipasusubastang impounded na sasakyan, sinabi ng LTO Chief na maaaring kunin ang opinyon o rekomendasyon ng mga technical expert ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matukoy ang tunay na kondisyon at kalidad ng mga sasakyan gayundin ang naaangkop na halaga nito kung ipagbibili sa publiko.

Ikinukonsidera rin ng LTO na ibigay na lamang bilang donasyon sa iba pang mga ahensya ng gobyerno at state colleges and universities ang mga sasakyan na hindi mabibili sa public auction. Maaari kasing makumpuni at maibalik sa maayos na kondisyon ang mga sasakyan o magamit ang spare parts nito bilang bahagi ng training para sa Automotive at Land Transport courses.