Binigyang diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang aasahan na dagdag singil ang mga pasahero kasabay ng pagbabalik kalsada ng ilang pampublikong transportasyon.
“We have been saying that we will not increase any fare of whatever mode of transportation, whether it be bus, UV Express, PUJ, even taxi, and TNVS,” ani LTFRB chairman Martin Delgra III.
Iginiit ni Delgra na ang mga commuter ang “prinicipal stakeholders” ng public transportation.
“Milyon-milyon sila. Matagal na silang hindi nakapagbalik trabaho. Mahirap naman na pagbalik trabaho nila at sasakay ng public transport, dagdag pasanin ‘yung dagdag pamasahe.”
Ngayong araw, mga UV Express naman ang nagbalik operasyon, alinsunod sa calibrated o dahan-dahang pagbibigay ng “go signal” ng ahensya sa mga public transportation sa Metro Manila na magbalik kalsada.
Ayon sa Department of Transportation, nangako ang LTFRB na sa Huwebes o Biyernes ay aasahan na ring magbalik operasyon ang mga tradisyonal na unit ng jeepney.










