Paiigtingin pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga localized o barangay lockdown na umiiral sa kasalukuyan.
Sa meeting sa Malacañang, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na nakahanda na ang mga local government units (LGUs) at law enforcement agencies sa mga bagong community quarantine classification simula ngayong araw.
Ayon kay Sec. Año, matapos ang pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kaugnay sa mga klasipikasyong ito noong nakaraang linggo, agad nilang ipinabatid sa mga LGUs ang kahihinatnan ng community quarantine sa kanilang lugar kaya nagkaroon ng sapat na panahon ang mga ito para umapela at makapaghanda.
Sa kasalukuyan, mas magiging mahigpit umano ang gobyerno sa pagpapatupad ng localized lockdown lalo sa Metro Manila na mananatiling nasa general community quarantine (GCQ) hanggang Hunyo 30 dahil target ng pamahalaan na mapababa pa ang nagpo-positibo sa COVID-19.
Partikular ding tututukan umano nila ang Cebu City na ibinalik sa enahnced community quarantine (ECQ) at Talisay City (modified enhanced community quarantine (MECQ) dahil dito naitala ang pagsipa ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Inihayag ni Sec. Año na magpapadala sila ng karagdagang PNP personnel sa Cebu City para matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng lockdown o ECQ measures.