Ibinunyag ni National Unity Party (NUP) President Rep. LRay Villafuerte na local politics sa Cebu ang dahilan sa hindi paglagda ni Cebu Rep. Duke Frasco sa manifesto of support para kay Speaker Martin Romualdez sa 20th Congress.
Dahil sa ginawa ni Frasco, itinawalag siya ng National Unity Party dahil sa hindi nito pagsunod sa posisyon ng partido na suportahan si Romualdez.
Ang National Unity Party sa pangunguna ni Rep. LRay Villafuerte ay kabilang sa supermajority coalition na sumusuporta kay Speaker Romualdez para manatili sa kanyang pamumuno sa pagbubukas ng 20th Congress.
Nabatid na may mga ulat na isa si Frasco sa hahamon kay Romualdez sa Speakership race sa 20th Congress at hindi sina Representatives Toby Tiangco ng Navotas at Albee Benitez ng Bacolod.
Umaapela naman ang maybahay ni Speaker Romualdez na si Representative Yedda Marie Romualdez ng Tingong Partylist na huwag siyang kaladkarin sa isyu ng pulitika sa Cebu.
Reaksiyon ito ni Romualdez matapos tukuyin ang kampo ni Frasco na nagpapakalat ng fake news sa kanya umanong paghahanda para kumandidatong gobernador ng Cebu.
Anya, hindi siya lumilipat ng tirahan at sila ay nananatili sa Tacloban pero ang kanyang ina ay matagal nang rehistradong botante sa Cebu City.
Ang maybahay ni Frasco na si Tourism Secretary Christina Frasco ay anak ni Cebu Governor Gwen Garcia na natalo noong nakalipas na midterm elections.