-- Advertisements --

Lalo pang pinalakas ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang ginagawang mga hakbang laban sa maanomaliyang pagpasok ng ilang foreigners ng malaking halaga ng pera sa bansa.

Ginawa ito ng BOC matapos na matukoy na mayroong ilang grupo ng mga biyahero ang nagdedeklara nang pagdala ng malaking halaga ng foreign currency papasok ng Pilipinas.

“The Bureau of Customs vows to continuously intensify its efforts on border protection and prevent the illegal movements of illicit money or capital to and from the Philippines,” saad ng BOC sa isang statement.

Una rito, sinabi nina Sen. Richard Gordon at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap na may mga foreigners, partikular na ang mga Chinese nationals, ang nagdadala ng ilang milyong pisong halaga ng dolyar na cash papasok ng Pilipinas mula noong nakaraang taon.

Base sa batas, obligado ang sinuman na ideklara ang dala-dalang pera kapag sobra ito sa $10,000 gayundin ang ipaliwanag kung saan ito gagamitin.