-- Advertisements --

Napatay sa isinagawang hot pursuit operation kaninang umaga Hunyo 6 ang isang ex-convict na umano’y bumaril patay sa isang pulis sa bayan ng Consolacion Cebu.

Nangyari ang operasyon sa Sitio Tarcom Brgy. Lahug nitong lungsod ng Cebu at humantong sa pagkamatay ng suspek na kinilalang si Reynaldo Ydel alias Tatski matapos itong manlaban sa mga otoridad.

Sa ulat ng pulisya, tinutugis ito matapos umanong pagbabarilin ang isang pulis na nagsagawa ng validation report kagabi Hunyo 5 sa bayan ng Consolacion.

Nakilala ang nasawing pulis na si SSgt. Careby Clyde Alinsog.

Natunton naman ng pinagsanib-pwersa ng Consolacion PNP, Mandaue City PNP at Cebu Provincial Police Office ang suspek sa inuupahan nitong silid sa Lahug.

Naaresto rin ang dalawa nitong umano’y kasabwat na sina Ariane Gacela 18 anyos at Danilo Aguilar, 27 anyos.

Narekober naman ang dalawang baril sa loob ng silid.