-- Advertisements --

Matagumpay na naaresto ng pulisya ang isang suspek ng pananaksak patay sa isang lalaki kaninang alas 3 ng madaling araw, Setyembre 13, sa Barangay Cabadiangan, bayan ng Compostela, Cebu.

Nakilala ang naaresto na si Albert Bautista na tubong Batangas City ngunit kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay habang ang biktima naman ay si Dante Villarubia,47 anyos at kapwa construction worker sa isang subdivision.

Naaresto si Bautista makalipas ang halos dalawang oras matapos ang ginawang krimen.

Base sa report ng pulisya, natutulog lang nang mga panahong iyon ang biktima nang pinagsasaksak ng makailang beses ng suspek gamit ang isang kutsilyo na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.

Naging saksi naman ang 16-anyos na anak ng biktima sa ginawang krimen na nakatulong para mahuli agad ang si Bautista.

Personal grudge naman ang tinitingnang motibo ng suspek sa pananaksak.

Ayon pa, nagalit umano si Bautista matapos siyang iwan ng kanyang limang buwang buntis na asawa para sa ibang lalaki na kaibigan rin ni Villarubia.

Naging ‘tulay’ umano si Villarubia sa pagitan ng asawa ng suspek at ng kanyang kaibigan.

Sa ngayon, nasa hawak na ng mga otoridad ang suspek at nakatakdang sampahan ng karampatang kaso.