Isang lalaki ang nag-propose ng kasal sa kanyang girlfriend sa launching ng MRT love train.
Napuno ng sigawan ang istasyon ng tren nang biglang lumuhod ang lalaki na kinilalang si Mac Tolentino para isuot ang singsing sa kanyang nobya. Ayon kay Tolentino, sa ibang araw niya balak mag-propose ngunit nang nakita niya ang valentine set-up sa MRT Ayala Station ay naisip niyang ito na aniya ang tamang oras para mag-propose.
Ang MRT love train na pinangungunahan ng Department of Transportation ay paglalagay ng disenyo, bulaklak, at iba pang dekorasyon na may kaugnayan sa pagdiriwang ng araw ng mga puso.
Ayon kay MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, gusto nilang makapagbigay ng kaunting saya, ngiti, at kilig sa mga pasahero habang sila ay bumibiyahe para umano maging maganda ang umpisa ng kanilang araw.
Aarangkada ang love train hanggang February 29 at bukas sa lahat ng mga pasahero, mapa-single man o taken.