-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng isang miyembro ng OCTA Research Group na may mga probinsiya at rehiyon sa bansa ang tumaas ang kaso ng COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Guido David, miyembro ng OCTA Research Group na bagamat tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo ng COVID-19 sa bansa ay hindi naman kasintaas ng bilang noong nakaraang surge ng Omicron variant noong buwan ng Enero.

Sa National Capital Region (NCR) ay nag-aaverage ng mahigit 800 kada araw habang sa buong Pilipinas ay nag-aaverage ng mahigit 2,000 sa bawat araw.

Sa ibang mga rehiyon aniya ng bansa ay tumataas pa lang ang kaso.

Bagamat tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Isabela at Cagayan ay hindi naman ito nakakabahala.

Sa Isabela ang positivity rate ay 14% habang sa Cagayan ay 9% subalit sa mga healthcare utilization ay mababa.

Ang mga nagtala ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, Pangasinan, Benguet at ilang lugar sa Western Visayas.

Sinabi ni Dr. David na ang IATF at DOH ay may criteria sa pagtataas ng alert level sa bansa at sila rin ang magpapasya kung kailangang ibaba o itaas ang alerto kontra sa COVID-19.

Pinaalalahanan din ni Dr. David na protektahan ang mga senior citizens at ang mga may commorbidities dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.